MANILA, Philippines - Walang trabahong naghihintay para sa mga turista sa bansang China.
Ito ang babala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga job seekers na naghahanap ng magandang trabaho sa ibayong dagat.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, dapat na maging maingat ang mga job seekers, partikular na sa mga Filipino domestic helpers sa Hong Kong at Macau, laban sa mga recruiter na nangangako na magbibigay ng trabaho sa China gamit lamang ang tourist o business visa.
Sinabi ni Cacdac na iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dumarami ang bilang ng mga undocumented Filipino workers sa China bunsod ng pangakong madali silang makakakuha doon ng trabaho.
Karamihan sa kanila ay mga domestic worker na lumipat sa mainland matapos na magtapos ang kanilang employment contracts sa dalawang administrative regions.
Ani Cacdac, hindi maaaring magtrabaho ng legal ang mga dayuhan bilang household service workers sa China, alinsunod na rin sa ipinatutupad na mahigpit na immigration policy ng naturang bansa kaugnay sa unskilled labor kabilang ang mga yaya, caregivers at household helpers.
Maging ang mga guro ay binalaan din ni Cacdac laban sa mga alok na trabaho sa internet para sa English language teaching positions sa China.