Libel pa vs Trillanes, Mercado
MANILA, Philippines - Dahil sa walang humpay na pagsira sa kanyang pagkatao, naghain kahapon ng panibagong kasong libelo si Vice President Jejomar Binay laban kina Sen. Antonio Trillanes IV at dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado.
Ayon kay Joey Salgado, hepe ng Media Affairs ng Office of the Vice President, magkahiwalay na kasong libelo ang inihain laban kina Trillanes at Mercado sa Makati Regional Trial Court dahil sa mga mali, malisyoso at nakakasirang akusasyon laban sa Bise Presidente.
Sinabi ni Salgado na nag-ugat ang pagsasampa ng kaso laban kay Trillanes dahil sa akusasyon na maanomalya ang Senior Citizens Program sa Makati habang kay Mercado ay ang naging pahayag na may iregularidad ang transaksyon ng Boy Scout of the Philippines sa Alphaland.
Dahil naniniwala sa criminal justice system, ang paghahain ng libel case ng VP ang tama umano niyang pamamaraan upang mapatunayan na ang mga nag-aakusa sa kanya ay mga sinungaling at oportunista.
Dahil sa nalalapit na eleksyon, sinabi ni Binay na kumikilos ang mga kalaban niya sa pulitika na tuluyang wasakin ang kanyang pagkatao at reputasyon mula sa mga walang basehan at gawa-gawang akusasyon dahil na rin sa paninindigang tatakbo siya bilang pangulo sa 2016.
- Latest