MANILA, Philippines - Kumpiyansa si dating Quezon Rep. Erin Tañada na malaki ang maitutulong ng malinis na record at kakayahan ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo para manalo bilang bise presidente sa 2016 elections.
Isa si Tañada sa mga nagsusulong ng signature campaign para hikayatin si Cong. Robredo na tumakbo bilang bise presidente ng Liberal Party sa darating na halalan.
Layon ng mga tagasuporta ni Robredo na makakalap ng isang milyong lagda upang ipakita sa mambabatas ang malakas na panawagan para siya’y tumakbo bilang bise presidente.
“Tiwala ako na malaki ang maitutulong ni Cong. Robredo bilang bise presidente. Naniniwala kami na mayroon pang pagkakataon na kumbinsihin siyang tumakbo bilang bise presidente,” wika ni Tañada.
Noong Martes, inilunsad ang signature campaign sa Baseco Compound sa Maynila na dinaluhan ng 150 katao.
Ayon pa kay Tañada, magsasagawa rin sila ng signature campaign sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tulad ng Davao, La Union, Nueva Ecija, Quezon, Bicol, Bukidnon, Surigao at Ifugao.
Isusulong din ni Tañada ang nominasyon ni Robredo bilang vice presidential candidate sa National Executive Council ng Liberal Party.
Aminado si Tañada na sa ngayon, mababa pa ang rating ni Cong. Leni ngunit tiwala siyang aangat ito kapag nagdeklara na bilang vice presidential candidate.