MANILA, Philippines - Pumunta si Pangulong Aquino sa Davao para ibida sa Mindanao ang pagpapatuloy ng daang matuwid.
Sa Gathering of Friends na ginanap sa SMX Convention Center na dinaluhan ng 2,000 taga-suporta ng administrasyon mula sa iba’t ibang sektor, sinabi ni PNoy na iba si Roxas sa ibang kumakandidato.
“Ano ba ang pinagkaiba ni Mar sa mga ibang masasabi nating naghahangad ng puwesto? Si Mar ho nagbabad. Bago dumating si Yolanda, nandoon na hanggang nakalma ang sitwasyon, hanggang manumbalik yung mga tinatawag na basic services tulad ng tubig, tulad ng kuryente,” depensa ni PNoy kay Roxas.
Ikinuwento rin ni PNoy na ilang beses isinugal ni Roxas ang kanyang kaligtasan para lamang magawa ang kanyang tungkulin para sa bayan. “Sa Zamboanga, noong krisis, nauna siya sa akin, nahuli pa siyang umalis sa akin. Ako labing-isang araw pong andun. Sinuong niya lahat ng lugar doon, pinuntahan ng mga nasunugan nating kababayan, dinamayan, nagdala ng relief, at hindi umalis hanggang na-normalize na po ang sitwasyon doon,” kuwento niya.
Naniniwala ang Pangulo na mas malayo pa ang mararating ng bansa kapag naipagpatuloy ang magandang pamamahala, bilang pruweba ng mga magandang naitanim ng administrasyon sa loob ng nakaraang limang taon.