MANILA, Philippines – Sinimulan na kahapon ng iba’t ibang urban poor communities ang kampanya para makakalap ng isang milyong lagda para makumbinse si Camarines Sur Rep. Leni Robredo na kumandidato bilang bise presidente ng Liberal Party sa 2016 elections.
“Umaasa tayo na sa kampanyang ito, makukumbinse si Cong. Leni na siya ang matino, mahusay at may pusong leader na hinahanap ng mga Pilipino sa pamahalaan,” wika ng grupo sa isang statement.
Sa pangunguna ni dating Cong. Erin Tañada, inilunsad ng grupo ang One Million Signatures sa KABALIKAT office sa Baseco, Port Area, Manila.
Sa kanyang speech, hinikayat ni Tañada ang mga residente ng Baseco na sumali sa kanilang panawagan na tumakbo si Cong. Leni bilang bise presidente.
Ayon sa grupo, kayang ipagpatuloy ni Cong. Leni ang nasimulang kampanya ng yumaong asawa na si Sec. Jesse Robredo para sa malinis na pamahalaan at ulirang lingkod bayan.
Isinama rin ni Senate President Franklin Drilon ang pangalan ni Leni sa mga pagpipilian ng LP bilang manok sa pagka-bise presidente.