MANILA, Philippines – Tinawag na “trapo” ni Senador Serge Osmeña ang dati niyang alaga na si Senador Grace Poe na sinasabing isa sa mga kakandidatong presidente sa halalan sa susunod na taon.
Ginawa ni Osmeña ang pahayag nang matanong siya sa isang radio interview kung papaanong mababawi ni Poe ang mga botanteng nadismaya sa naging pagdipensa ng senadora sa Iglesia ni Cristo sa kasagsagan ng matinding trapik na idinulot ng apat na araw na protesta ng grupo.
“Meron siyang mga strategists. Dapat tinanong niya ang kanyang mga strategists,” sabi ni Osmeña na dati nang sinabi na hindi dapat tumakbo si Poe bilang Pangulo at tanggapin na lamang ang alok ni Pangulong Benigno Aquino III na maging running mate ng kanyang pambato na si Interior Secretary Mar Roxas.
Si Osmeña ay kilalang dating adviser ni Poe ngunit inamin ng una na hindi na siya kinukonsulta ngayon ni Poe at kay Senador Chiz Escudero na lamang ito sumusunod.
“Mali siya roon, para siyang trapo,” sagot ni Osmeña nang tanungin sa naging posisyon ni Poe sa usapin ng INC. Matatandaang dumagsa ang batikos kay Poe, Escudero at iba pang pulitikong dumepensa sa INC.