MANILA, Philippines – Umapela si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle sa mga workaholic na magpahinga rin at hindi dapat na sinasamba ang trabaho.
Ayon kay Tagle, bahagi ng spiritual na pangangailangan ng katawan ay ang pagpapahinga gayundin ang paggunita sa “Sabbath” ang araw na itinalaga ng Diyos.
Sinabi ni Tagle na nakalulungkot na hindi na nagpapahinga ang mga manggagawa kung saan mas binibigyan ng prayoridad ang trabaho at suweldo.
“Ayaw nang magpahinga, kailangan sambahin ang suweldo! ‘Yung iba mayroon nang regular job, may part-time, nag-o-overtime pa, kasi parang ginagawa na nating Diyos ang trabaho,” ani Tagle.
Binigyan diin ni Tagle na mas kailangan ang pahinga dahil mas marami pa ang magagawa ng isang tao kabilang na ang pagtulong sa kapwa.
Dapat aniyang isaisip ang pahayag ng Santo Papa na bahagi ng Christian spirituality ang pahinga at pagsasaya.