Abortion bill sosoplahin sa House
MANILA, Philippines – Nagdeklara ng all-out support si Isabela Congressman Rodolfo “Rodito” T. Albano III sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para labanan at supalpalin ang isusulong na batas na magli-legalize sa abortion sa bansa.
“Imoral at hindi makatao ang abortion. Mali at labag ito sa utos ng Diyos at batas ng tao,” paliwanag ni Albano. “Dapat ganap na kondenahin ang pagkaitan ng buhay ang batang nasa sinapupunan pa lang ng isang ina, iresponsable at mali ito.”
Sinabi ni Albano sa isang pahayag na sinusuportahan niya ang CBCP para hindi makapasa sa Kongreso ang pagli-legalize ng abortion bill kaya inaasahan ng kongresista na kokontrahin din ito sa Kamara ng kanyang mga kasamahang mambabatas.
“Sagrado ang buhay ng tao at bawat tao, ipinanganak at hindi pa ipinapanganak, ay napakahalaga. Ang sukatan ng bawat institusyon sa ating lipunan ay kung nababantaan o itinataguyod ang buhay at dignidad ng tao lalo na ng mga sanggol na hindi pa isinisilang,” diin ni Albano.
Kamakailan ay naglabas ng kalatas si CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang abortion ay isa pa ring mortal na kasalanan.
“Nilalabag ng abortion ang saligang karapatang pantao lalo na ang karapatang mabuhay. Walang lugar sa Kongreso ang anumang panukala na gawing ligal ang abortion,” dagdag ni Albano.
- Latest