MANILA, Philippines – Magiging tanyag bilang tourism city sa buong Mundo ang Parañaque City sa pagtatayo ng mga hotel resort at leisure facilities sa Pagcor Entertainment City sa Manila Bay sa lungsod.
Ito ang pagtataya ng isang delegado ng mga South Korean sa pamumuno ni Haeundae-gu, Busan City Mayor Baek Sun Ki na bumisita sa Parañaque City kamakailan.
Sinabi ni Baek na, sa malaking pag-unlad ng Entertainment City, susulong ang paglago ng lungsod sa loob ng 10 taon dahil marami pang mamumuhunan mula sa Pilipinas at ibang bansa ang maaakit dito.
Lumagda noong Biyernes sina Parañaque Mayor Edwin Olivarez at Baek sa isang sisterhood agreement para mapalakas pa ang economic at cultural ties ng dalawang lunsod.
“Nakakatiyak ako na magiging matagumpay na proyekto ang entertainment city na magtataguyod sa Paranaque sa buong mundo bilang lunsod ng turismo,” sabi ni Baek na kasama ng kanyang vice mayor, walong konsehal at ilang prominenteng negosyante.
Sinabi pa ng mga delegadong Koreano na, sa malalaking proyektong imprastrukturang ipinapatupad ng pambansang pamahalaan sa Parañaque at kalapit na mga lungsod sa ilalim ng liderato ni Olivarez, may kumpiyansa sila na susuporta ito sa pag-akit sa mas maraming turista at mamumuhunan.
Isiniwalat pa ni Baek na, noong nakaraang taon, umaabot sa isang milyong Koreano ang bumisita sa Pilipinas para sa negosyo, turismo at edukasyon.
“Espesyal at malapit sa mga Koreano ang Pilipinas mula nang maitatag ang diplomatic relationship ng dalawang bansa noong 1949,” dagdaga ng alkaldeng Koreano.
Sinabi naman ni Olivarez na higit na mapapalawak ang pagtutulungan ng dalawang lunsod sa sisterhood agreement at maging sa Pilipinas at ng South Korea.