MANILA, Philippines – Nakatakdang imbestigahan sa Lunes ng Senate Committees on Economic Affairs at Public Works ang epekto ng lumalalang problema sa trapiko sa ekonomiya ng bansa.
Ayon Sen. Bam Aquino, naghain ng Senate Bill 1532 na nananawagan ng imbestigasyon, dapat makaisip ng epektibong istratehiya at solusyon sa matinding problema sa trapiko partikular sa Metro Manila.
Apektado na aniya ng matinding traffic ang ilang basic services lalo pa’t lumabas sa isang survey na ang trapiko sa Pilipinas ay ika-lima na sa pinakamasama ang sitwasyon sa buong mundo.
Kabilang sa sisilipin sa imbestigasyon ang pinakahuling pag-aaral ng World Bank kaugnay sa dami ng tao sa mga urban areas sa bansa partikular sa Metro Manila na nakapagtala ng “significant increase” mula noong 2010.
Sa nasabing taon, umabot na sa 16.5 milyon ang populasyon sa Metro Manila na masyadong malayo kumpara sa Cebu na mayroon lamang 1.5 milyong populasyon bagaman at ito ang ikalawa sa may “most populated area”.
Patuloy rin ang pagtaas ng bilang ng mga mayroong bagong sasakyan kung ikukumpara sa mga nakaraang taon.
Muling ipinaalaa ni Aquino ang pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na kung hindi masosolusyunan, aabot sa P6 bilyon mula sa kasalukuyang P2.4 bilyon ang mawawala sa ekonomiya dahil sa trapik.
Maging ang gastos para sa transportasyon ng mga nasa “low income group household” ay tumaas ng 20 porsiyento.