MANILA, Philippines - “Burahin ang diskriminasyon sa lipunan!”
Ito ang isa sa mga adbokasiyang isinusulong ni Cong. Leni Robredo bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.
Kasama si Cong. Leni sa mga naghain ng House Bill No. 3432 o ang Anti-Discrimination Act of 2013 upang maprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino laban sa anumang uri ng diskriminasyon sa lipunan.
Sa panukala, ipagbabawal na ang anumang uri ng diskriminasyon batay sa kasarian, sexual orientation, lahi, relihiyon, kulay, civil status, HIV status at iba pang kondisyong medikal.
“Kahit nakapaloob na sa batas ang patas na trato para sa lahat, ang katotohanan, marami pa ring Pilipino ang nakararanas ng diskriminasyon sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” wika ni Robredo.
Marami anya ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral o makapagtrabaho dahil sa kanilang sexual orientation habang nananatiling second-class citizen pa rin ang trato sa persons with disabilities (PWDs) dahil sa kanilang pisikal na kalagayan.
May ilan namang napagkakaitan ng pagkakataong makapamuhay nang normal dahil sa pagkakaroon ng HIV.
“Panahon nang alisin ang ganitong uri ng diskriminasyon sa ating lipunan. Mangyayari lang ito kung mayroong matibay na batas na direktang tutugon sa isyung ito,” dagdag ni Cong. Robredo.
Sa ilalim ng panukala, may parusang pagkakulong mula dalawang taon hanggang di lalampas sa anim na taon o anim na taon hanggang ‘di bababa sa 12 taon, depende sa bigat ng kaso.
May ipapataw ring multa na mula P100,000 hanggang P500,000 batay sa diskresyon ng hukuman.