MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ng National Union of Journalists of the Philippines sa liderato ng Iglesia ni Cristo na magpalabas ng public apology kaugnay sa pagkuyog at pananakit ng ilang mga miyembro nito sa cameraman ng ABS-CBN network sa kasagsagan ng kilos protesta ng mga ito malapit sa EDSA Shrine sa Ortigas, Quezon City noong Biyernes ng nakalipas na linggo.
Sa isang press statement, kinondena ng NUJP ang insidente dahilan sa hindi ito makatwiran sapagka’t ginagawa lamang ng biktimang si ABS-CBN cameraman Melchor Pinlac ang kaniyang trabaho.
Si Pinlac ay hinila sa leeg, sinapak sa panga, katawan at likuran sabay sigaw ng ‘bias, bias’ ng INC members na kumuyog sa biktima na nagsasagawa lamang ng ‘coverage’ sa rally.
Samantalang maging si DZBB reporter Olan Bola ay itinaboy din ng INC members nang tangkain nitong awatin ang pagkuyog at pananakit laban kay Pinlac kung saan masuwerte namang hindi nasugatan ang una.
Ayon kay Rupert Mangilit, Secretary General ng NUJP, responsibilidad ng mga lider ng INC na disiplinahin ang mga miyembro nito.