Kumpirmasyon ng CA sa Comelec chief ‘ibinitin’
MANILA, Philippines – Ipinagpaliban kahapon ng Commission on Appointments ang kumpirmasyon ni Commission on Elections Chairman Andres Bautista at Commissioner Sheriff Abas dahil sa isyu ng 2013 national elections.
Nais ni Minority Leader Juan Ponce Enrile na isumite muna ni Bautista ang report kaugnay sa kuwestiyon sa resulta ng eleksiyon noong 2013 mula sa 18,486 voting precincts.
Iginiit ni Enrile na isumite nito ang isang report kaugnay sa kaso ng 18,486 precincts sa bansa at overseas votes na kumakatawan sa 12 milyong botante na hindi umano dumaan sa manual o electronic count.
Ayon naman kay Bautista, isinumite na ng Comelec sa Joint Congressional Committee on Automated Elections ang nasabing report. Hindi rin umano nawawala ang resulta ng boto sa mga nasabing presinto pero hindi lamang na-transmit sa pamamagitan ng machines.
Dahil hindi kaagad nai-presenta ang sinasabing report ng Comelec, nagdesisyon si Senator Teofisto Guingona III na ipagpaliban ang kumpirmasyon. Iginiit din ni Enrile na ipagpaliban maging ang kumpirmasyon ni Abas hangga’t hindi nakikita ang report.
- Latest