MANILA, Philippines – Sinampahan kahapon ng kasong malversation sa tanggapan ng Ombudsman ang 20 incumbent at mga dating mambabatas kasama ang bagong laya sa piyansa na si Senator Juan Ponce Enrile, suspended Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., at dating Senator Edgardo Angara dahilan sa umano’y maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund na may halagang P500 milyon nang ilaan ang pondo sa walong kuwestyonableng non-government organisation.
Sa kanyang reklamo sa Ombudsman, sinabi ni Atty Levito Baligod na ang malversation ay naganap sa pamamagitan ng pagpeke sa mga public documents nang ilaan ang may P490,685,000.000 sa ibang pekeng NGOs mula taong 2007 hanggang 2009. Ang pekeng NGO ay hindi ang pekeng NGO ni detained businesswoman Janet Napoles.
Sa isinumiteng dokumento ni Baligod, nakasaad doon ang testimonya ng apat na saksi na nagsasabi kung paano nilustay ng naturang mga mambabatas ang kanilang PDAF sa pamamagitan ng pagpeke ng mga dokumento.
Ilan pa sa mga mambabatas na kasama sa kasong ito sina dating House Speaker Prospero Nograles, Iloilo Representative Niel Tupas Jr. at Technical Education & Skills Development Authority Director General Joel Villanueva.