MANILA, Philippines – Nagpalabas ang Bureau of Customs ng mga panibagong patakaran kaugnay ng Balikbayan boxes na ipinadadala ng mga Overseas Filipino Workers sa Pilipinas mula sa ibang bansa.
Ang bagong panuntunan ay nakapaloob sa Customs Memorandum Order na may petsang August 27, 2015 at pirmado ni Customs Commissioner Alberto Lima.
Kabilang sa mga bagong panuntunan sa Operational Provisions na hindi na isasailalim ang mga Balikbayan boxes sa random at arbitrary physical inspection o sa madaling salita, hindi na bubulatlatin ang mga ito at, sa halip, idadaan na lamang sa mandatory scanning.
Ipatutupad ang mandatory container X-Ray scanning ng X-Ray Inspection Project o XIP sa Designated Examination Area o DEA para sa paunang pagsusuri sa mga non-commercial inbound shipment kung saan ikinarga ang mga Balikbayan boxes.
Sakaling may kaduda-duda na nakita sa x-Ray ng kargamento, ito ay lalagyan ng tag na “suspect” at ito ay susuriin ng XIP image analysis inspector kung mayruong posibleng paglabag at saka magrerekumenda kung dapat itong isailalim sa alert order. Kung wala namang problema sa balikbayan box, ito ay ihihiwalay para sa provisional release.
Ang mga balikbayan box naman na nasa alert order ay isasailalim sa siyento porsiyentong physical examination o pagbusisi ng Customs examiner sa authorized examination area na sasaksihan ng mga apprehending officer, freight forwarder consolidator, mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration o di kaya naman ay ng kinatawan ng asosasyon ng mga OFW.