MANILA, Philippines – Hindi moro-moro ang ginagawang motu-propio investigation ng Ombudsman laban kina Pangulong Benigno Aquino III at Budget Secretary Florencio Abad gaya ng akusasyon ni Vice-President Jejomar Binay, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Sinabi ni Lacierda sa mga mamamahayag na may kapangyarihan ang Ombudsman na magsagawa ng kanilang motu propio investigation at hindi ito moro-moro gaya ng akusasyon ni Binay.
Isa anyang independent constitutional body ang Office of the Ombudsman at hiwalay ito sa executive department kaya malaya itong magsagawa ng kanilang imbestigasyon.
Inihayag kamakalawa ni Ombudsman Conchita Morales sa budget hearing sa Kamara na nagsasagawa ang kanyang tanggapan ng motu-propio investigation kina Aquino at Abad kaugnay ng pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program na idineklara ng Korte Suprema na bahagyang labag sa Konstitusyon.
“Idiniin din ni Lacierda na mayroong immunity from suit ang seating president pero nagpahayag naman ng kahandaan si Abad na makipagtulungan sa Ombudsman sa imbestigasyon.
Sinasabi ni Binay na moro-moro o drama lamang ang plano ng Ombudsman na imbestigahan sina Pangulong Aquino at Abad para palabasin na parehas ito pero ang layunin daw nito ay patayin agad ang bintang sa kanila.
Naniniwala rin si Binay na mayroong batayan na magsagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman laban kina Aquino at Abad kaugnay ng DAP matapos ideklara ng Mataas na Hukuman na labag sa konstitusyon ang ilang probisyon nito.
“Drama. Walang mangyayari. Kung totoo yan, di sinuspinde na agad [sila],” ani Binay sa isang panayam habang nasa Amoranto Complex sa Quezon City kahapon.
Ayon kay Binay, walang pinagkaiba sa isang “teleserye” o drama sa telebisyon ang sinasabing pag-iimbestiga ng Ombudsman kina Pangulong Aquino at Abad na inaasahang walang kahihinatnan at magtatapos sa wala.
Naniniwala si Binay na layunin ng imbestigasyon ng Ombudsman na patayin ang isyu at tuluyang makalimutan ng publiko sa 2016.
Idiniin ng Bise Presidente na, kapag siya ang nahalal na pangulo sa 2016, isusulong niya ang imbestigasyon ng DAP at sa mga opisyales ng pamahalaan na sangkot dito.
Sinabi naman ni Lacierda, naniniwala si Pangulong Aquino sa kakayahan ni Morales kaya niya ito itinalaga sa Office of the Ombudsman noong 2011.
Wika pa nito, hindi moro-moro o drama ang ginawang pahayag ni Morales na nagsasagawa ito ng sariling imbestigasyon laban kina Aquino at Abad kaugnay ng DAP.