MANILA, Philippines – Tiniyak ni House Ways and Means Committee chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo na maipapasa ngayong 16th Congress ang panukala na nagbababa ng individual at corporate income tax.
Ayon kay Quimbo, isasapinal na nila ang committee report para sa consolidated version ng 11 tax reform bills at inaasahang maaaprubahan ang panukala bago mag-break ng sesyon ang Kamara sa Oktubre 15 at kumpiyansa rin na ipapasa ito ng mga senador.
Nakasaad sa nabuong bersyon ng komite na ibababa ang income tax ng manggagawa base sa adjustment ng consumer price index at gagawing simple ang tax brackets.
Ang mga sumasahod ng 500,000 hanggang 10 million pesos ay papatawan na lamang ng 17% habang ang kumikita ng P10 million pataas kada taon ay bubuwisan ng 30%.
Sa naturang bersiyong ito tinataya ng Department of Finance na aabot ng P29 billion ang mawawalang kita sa gobyerno.
Nilinaw naman ni Quimbo na madaling mabawi ito dahil kung maibababa ang income tax at corporate tax ay lalawak naman ang tax base kaya lalaki din ang koleksiyong buwis.
Idinagdag pa ng mambabatas na sa 23 million salary earning individuals sa bansa 5.6 million lamang dito ang bumabalikat ng 90% ng income taxes habang mayorya ng mga professionals ay hindi talaga nagbabayad ng tamang buwis.
Iginiit pa ni Quimbo na hindi tamang ang mga middle income earners ang patuloy na pigain ng gobyerno sa buwis dahil walang kalaban-laban ang sektor na ito sapagkat kaltas na ang kanilang buwis sa tuwing sila ay sumasahod.