MANILA, Philippines – Naglabas ng “warrant of arrest” dahil sa kasong perjury ang Municipal Trial Court ng Puerto Princesa City, Palawan laban sa tatlong “bashers” ni dating Puerto Princesa City, Palawan mayor Edward Hagedorn.
Sa ‘Information Sheet’ ng ‘Criminal Case No. 21274 na isinampa ni PPC Asst. Prosecutor Zenaida R. Razon sa MTC 4TH Judicial Region noong Agosto 25, kinilala ang mga suspek na sina Rodrigo Saucelo, Wilfredo Rama at Antonio Lagrada, mga empleyado sa ‘city hall’ ng lungsod at umano’y pawang ‘supporters’ ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron. Itinakda ang tig-P6,000 piyansa ng mga suspect para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Samantala, sa halip na akusado, si Hagedorn ang magiging ‘principal witness’ ng prosekusyon habang dinidinig ang kaso.
Sakaling mahatulan, makukulong ng isang taon ang mga suspect bukod pa sa posibilidad na hindi na muling maging empleyado ng gobyerno batay na rin sa pinal na desisyon ng korte.
Noong Abril 1, nagsampa sina Rama, Saucelo at Lagrada ng sinumpaang reklamo ng mga katiwalian laban kay Hagedorn at dating city administrator Agustin Rocamora sa Ombudsman.
Ibinatay ng grupo ni Rama ang kanilang reklamo mula sa mga piniling pahina ng ‘audit report’ ng Commission on Audit (COA) para sa PPC noong 2011 kung saan sinabi ng mga suspek na “nagbulsa” si Hagedorn ng P4 milyon mula sa pondo ng siyudad at pumasok sa ‘ghost purchase’ ng mga “e-vehicles” upang pagtakpan ang krimen.
Anila pa, hanggang sa isampa nila ang reklamo sa Ombudsman ay “wala” pang nai-deliver na “e-vehicle” sa PPC.
Sa naging pagbusisi naman ng prosekusyon, lumabas na ginawa ni Rama, Saucelo at Lagrada ang reklamo kahit alam ng mga ito na ang kanilang mga akusasyon ay kasinungalingan at walang batayan.
Labis namang ikinatuwa ni Hagedorn ang naging takbo ng pangyayari. “This is another vindication for me and the people of Puerto Princesa who have always been steadfast supporters of the rule of law,” aniya pa.
Kasama sa mga ebidensiya na isinumite ni Hagedorn ay ang isang ‘short video clip’ kung saan makikita si Bayron na nakasakay sa isa sa mga e-vehicles ng tanggapin ang mga ito ng pamahalaang lungsod.
Sa pagsampa ng kaso laban sa mga taga-suporta ni Bayron, tiwala si Hagedorn na mababasura na rin sa Ombudsman ang mga reklamo laban sa kanila ni Rocamora.