MANILA, Philippines – Naka-full alert ang puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) bunga ng protest rally na isinasagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO spokesperson Wilben Mayor, ang pagsasailalim sa full alert status sa Kalakhang Maynila ay sinimulan nila alas-6 pa ng gabi ng Biyernes, August 28.
Anya, patuloy na ipaiiral ng kapulisan ang maximum tolerance policy sa mga nagsisipagprotesta.
Kahapon ng umaga, may mahigit 1,000 miyembro ng INC ang nagprotesta sa kanto ng Edsa-Shaw Boulevard at magtatagal doon hanggang ngayong Linggo matapos makakuha ng permit sa lokal na pamahalaan ng Mandaluyong.
Una nang nagprotesta ang libong kaanib ng INC sa may harapan ng gusali ng Department of Justice sa Maynila upang batikusin si DOJ Secretary Leila de Lima sa umano’y pakikialam sa internal issue ng sekta.
Ikinagalit ng INC members ang umano’y pag-prayoridad ni de Lima sa kaso ni dating INC minister Isaias Samson Jr. laban sa mga opisyal ng INC na umano’y nagpiit at nag-harass sa kanyang pamilya.
Samantala, hinikayat naman ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ang cameraman ng ABS-CBN na si Melchor Pinlac na magsampa ng kaso laban sa mga miyembro nng INC na kumuyog at nanakit dito.
Naganap ang insidente kamakalawa ng gabi habang kinukunan ng video ni Pinlac ang mga nagsisipag-rally na miyembro ng INC sa may Edsa Shrine sa Ortigas, Quezon City.
Nabatid na si Pinlac ay hinila sa leeg, sinapak sa baba at pinagsisipa pa ng ilang INC members na kumuyog dito dahil bias umano ang ABS-CBN sa usapin ng problema sa liderato ng nasabing sekta ng relihiyon.
Nahinto lamang ang pananakit matapos na awatin ang mga ito ng isa nilang tagapamahala.
Binigyang diin ni Marquez na karapatan ni Pinlac ang magsampa ng reklamo dahil nasaktan ito sa insidente. (Dagdag ulat nina Lordeth Bonilla at Mer Layson)