MANILA, Philippines - Hindi na umano dapat mangamba ang Hudikatura na magdesisyon sa mga kontrobersyal na kaso, dahil papatapos na ang Aquino Administration.
Paliwanag ni 1BAP partylist Rep. Silvestre Bello III, hindi na uubra ang mga pangha-harass ng administrasyong Aquino o bantang impeachment sa Justices ng Korte Suprema man o Sandiganbayan, kapag hindi naging pabor ang pasya nila sa gusto ng Ehekutibo.
Payo ni Bello sa mga miyembro ng Judiciary huwag nang mabahala na mangyayari rin sa kanila ang sinapit noon ng pinatalsik na si Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Inamin ni Bello na nagkaroon ng repercussions sa Hudikatura ang kinaharap ni Corona, na kilalang appointee ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Subalit panahon na umano na magdesisyon ang Korte Suprema at Sandiganbayan Justices nang walang halong takot sa administrasyon, at sa halip ay naaayon sa kanilang pagtitimbang at pag-aaral sa mga kaso.
Dahil dito kaya muling umapela si Bello sa Sandiganbayan na pagbigyan na ang hirit na house arrest ni Arroyo, na kongresista ng Pampanga.
Giit ng kongresista, matindi pa rin ang sakit ni Arroyo na naka-hospital arrest sa Veteran’s Memorial Medical Center.