Sen. Bam sa mga anak ni Cong. Leni: ‘Ibahagi ang ina sa buong bansa’

MANILA, Philippines - “Ibahagi ang ina sa buong bansa”.

Ito ang panawagan ni Sen. Bam Aquino sa mga anak ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa harap ng mga balitang tutol ang mga ito na tumakbo ang kanilang ina bilang bise presidente ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa 2016 elections.

“Alam ko kung gaano kalapit si Cong. Leni sa kanyang mga anak, pati na rin sa mga kababayan nito sa ikatlong distrito ng Camarines Sur,” wika ni Aquino.

Subalit iginiit ng senador, panahon na rin upang ibahagi nina Aika, Jill at Tricia ang kanilang ina sa buong bansa upang makapaglingkod ito sa mas maraming Pilipino.

Sinabi ni Sen. Bam na hindi pahuhuli si Leni pagdating sa kakayahan dahil isa itong abogada. Subok din si Leni pagdating sa serbisyo publiko dahil bago pa man siya naging kongresista ay nagbibigay na ito ng libreng tulong legal sa mga mahihirap sa Camarines Sur.

Sa record ng Kamara, nakapag-akda si Cong. Leni ng 26 panukala habang co-author siya ng 108 panukala sa unang dalawang taon niya bilang mambabatas.

Kabilang sa mahalagang panukala ni Leni ay ang Full Disclosure Bill, na nag-aatas sa mga ahensiya ng pamahalaan na ilabas ang lahat ng kanilang pinansiyal na transaction, budget at iba pang mahalagang dokumento na dapat malaman ng publiko.

Co-author din si Leni ng Freedom of Information Bill (FOI) sa Kamara.

Show comments