MANILA, Philippines - Ang odd-even scheme sa mga sasakyan ang nakikitang solusyon sa lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.
“Malapit nang iprisenta sa akin ang iba’t ibang plano para maibsan ang siksikan ng mga sasakyan. Ang akin po: Ang pinaka-radikal dito ay hatiin ang bilang ng bumibiyaheng sasakyan-salitan ang pagbabaybay ng odd at even na plaka sa ating mga kalsada kada linggo. Pihadong luluwang ang trapik dahil kalahati ng sasakyan ang mawawala, pero sigurado pong marami na namang aalma dahil hindi magagamit ang kotse nila,” wika ng Pangulo kahapon sa inagurasyon ng Sen. Neptali Gonzales academic hall sa Rizal Technological University sa Mandaluyong City.
Naunang ipinatupad ang unified vehicular volume reduction program (odd-even scheme) sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1996 bilang solusyon sa trapiko sa Metro Manila kung saan ay bawal magbiyahe ang mga odd (1,3,5,7,9) ang ending ng plate number tuwing Lunes, Miyerkules, Biyernes (MWF) at bawal naman ang even (2,4,6,8) ang ending tuwing Martes, Huwebes, Sabado (T-TH-S).
Samantala, iminungkahi naman ng kaalyado ng Pangulo na si Caloocan Rep. Edgar Erice kay PNoy na gawing traffic czar si DZMM anchor Ted Failon dahil sa puro pagbatikos nito kay MMDA Chairman Francis Tolentino sa pagkabigo daw na mabigyang solusyon ang trapiko sa MM.