MANILA, Philippines – Iginisa kahapon sa ika-24 pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee ang dating officer-in-charge ng Makati Social Welfare Department na si Ryan Barcelo na nanindigan na walang ghost senior citizens sa Makati City.
Isiniwalat ni Sen. Antonio Trillanes IV na tumanggap si Barcelo ng 15 tseke mula kay Makati Rep. Abby Binay na mula umano sa pork barrel funds ng kongresista na anak ni Vice President Jejomar Binay.
Kinuwestiyon ni Trillanes si Barcelo kung tumanggap ito ng tseke mula kay Rep. Binay na una ay mariing “no” ang sagot ni Barcelo.
Pero ng sinabi ni Trillanes na may patunay siya tungkol sa 15 tseke, biglang sinabi ni Barcelo na hindi na niya maalala.
Ayon pa kay Trillanes, bahagi ng sindikato sa likod ng “ghost senior citizens” ng Makati ang dating OIC.
Inihayag din ni Trillanes na ang mga tseke ay mula sa Department of Budget and Management (DBM) at nakalap ng kanyang mga consultants ng nasabing impormasyon.
Maituturing na iyang “malversation” ang pagbibigay ng tseke ni Rep. Binay kay Barcelo.
Iginisa rin ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano si Barcelo at kinuwestiyon kung bakit sa kanya nakapangalan ang mga tseke gayong para ito sa mga mahihirap na mamamayan sa lungsod.
Sinabi ni Cayetano na dapat ay nakapangalan sa MSWD ng Makati o head ng opisina ang mga tseke.
Paliwanag ni Barcelo na itinalaga siya noon bilang isa sa tatlong disbursing officers ng Makati at siya ang naging taga-bigay ng medical at financial assistance na pabigay ni Rep. Binay na mula sa Makati.
Pero hindi na umano niya matandaan kung sino ang nag-e-encash o kung kaniyang idinideposito ang tseke.
Sinabi ni Cayetano na kasabihan sa Taguig na “sa presinto na magpaliwanag” pero sabi ni Barcelo, sa COA (Commission on Audit) siya magpapaliwanag.