MANILA, Philippines – Hinikayat kahapon ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si Bureau of Customs chief Alberto Lina na magpalabas ng isang public apology sa lahat ng overseas Filipino workers sa gitna ng naunang pagbabanta na bubuksan ang mga balikbayan boxes dahil nagagamit umano sa pagpupuslit ng mga bagay at kontrabando na nalilibre sa buwis.
Ayon kay Marcos, nagkaroon ng dungis ang imahe ng mga OFW dahil sa pag-uugnay sa kanila sa smuggling.
Nauna ng nilinaw ni Lina na ang target ng random checks ng BOC ay ang mga tiwaling freight forwarding companies na pumapayag maglagay ng mga kontrabando katulad ng droga at baril sa kanilang mga consolidated shipments.
“By linking smuggling to the iconic balikbayan box used by millions of overseas Filipino workers worldwide, the Bureau of Customs has put at risk the reputation and image of our modern-day heroes,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos na kailangan ang isang public apology upang maitama ang anumang masamang impresyon na idinulot ng balikbayan controversy.
Naniniwala si Marcos na mauunawaan ni Lina kung bakit kinakailangang mag-sorry ang kanyang ahensiya sa lahat ng OFWs.
“A public apology is necessary to correct whatever adverse impression the balikbayan controversy had made on the positive image of our workers overseas. I am sure Commissioner Lina would understand the need to correct such misimpression because the jobs and collective image of our workers may be at stake,” ani Marcos.
Nagsimula ang balikbayan phenomenon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kung saan ipinalabas ang isang Executive Order na nagbibigay ng karapatan sa mga overseas contract workers (OCWs) na magpadala ng home care packages sa kanilang pamilya sa Pilipinas na hindi kinakailangang magbayad ng buwis.