Supporters ni Roxas gigisahin sa korte

Secretary Mar Roxas. Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines – Isinampa kahapon ng abogado ni Vice President Jejomar Binay na si Atty. Claro Cereteza ang isang motion na humihiling sa Makati Regional Trial Court Branch 133 na ipatawag ang walong indibidwal para ipasiwalat ang katotohanan sa likod ng umano’y pinondohang demolisyon laban sa bise presidente at sa pamilya nito.

Ayon kay Certeza, ipinapatawag nila ang walong indibidwal para sa deposition o pagkuha ng kanilang sinumpaang salaysay kaugnay sa P200 milyong damage suit na isinampa ni Binay laban sa mga naninira rito.

Kabilang sa ipinapatawag at hihingan ng deposition sina Anti-Money Laundering Council member at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco Jr,, AMLC executive director Julia Abad, Senate staff members Jaye dela Cruz-Bekema, Sara Arriola, at Cecilia Lero; Presidential Adviser Ronald llamas, Vince Dizon, Francisco Enrico Gutierrez ng SR Metals, Inc., at Salvador Zamora ng Nickel Asia Corp..

“Maganda itong motion na ito para mapabilis ang pagdulog ni Vice President Binay sa kaso niya laban sa mga taong may kinalaman sa paninira sa kanya,” paliwanag pa ni Certeza.

Idinagdag ni Certeza na inaasahan nilang magsasabi ng totoo ang naturang mga indibidwal dahil, kung hindi, pananagutin nila ang mga ito ng perjury.

Ang mga negosyanteng sina Gutierrez at Zamora ay isinabit sa isyu ng pribadong helicopter na nag-espiya sa iba’t-ibang properties at aerial snapshot ng mga ari-ariang ito para siraan umano ang Bise Presidente.

Ayon pa sa pahayag ni Certeza, sina Gutierrez at Zamora ay kapwa political backer at campaign bankroller umano ni DILG Secretary Mar Roxas na kakandidatong presidente sa halalan sa 2016 sa ilalim ng makaadministrasyong Liberal Party.

“Hiniling namin sa korte na atasan ang dalawang negosyante na isiwalat ang nalalaman nila hinggil sa sistematiko at napopondohang pag-uusig laban kay Binay,” sabi pa ni Certeza.

Opisyal namang kasama sina dela Cruz-Bekema, Ariola at Lero sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon sub-committee sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building II.

Show comments