MANILA, Philippines – Inamin ni Bise Presidente Jejomar Binay na may mga senior citizens na hindi taga Makati City ang nakinabang sa kanilang programa.
Sinabi ni Binay na tama lamang na makinabang ang mga hindi taga Makati na senior citizens dahil nagbigay naman sila ng serbisyo sa lungsod.
“Halimbawa teacher, halimbawa pulis na hindi taga-Makati. Eh nakikinabang naman ang Makati sa serbisyo nila binibigyan namin 'yun,” paliwanag ng Bise Presidente sa kaniyang panayam sa dzMM.
Lumutang ang isyu ng mga “ghost beneficiaries” ng Makati matapos itong isiwalat ni Sen. Antonio Trillanes IV sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee.
Bukod sa mga hindi nakatira sa Makati, pinuna rin ng senador ang mga patay nang senior citizen ngunit kabilang pa rin sa listahan ng mga makikinabang sa programa.
Sinabi ni Binay na kung totoo mang may mga pagkakamali sa listahan ng mga benepisyaryo ay aniya bakit hindi na lang ito itinama kaysa ginawa na namang kritisismo.
“Ba't naman ako kasama na naman dyan? Ang mayor pipirmahan mo 'yun, merong appropriation 'yan. Ngayon kung 'yung wala na, namatay na, bakit sa 'kin na naman magtatapos yan?" pahayag ni Binay na dating alkalde ng Makati.
Dahil dito ay balak kasuhan ng Bise Presidente si Trillanes dahil sa panibagong paratang laban sa kaniya.
Nitong Biyernes ay pinabulaanan ng kampo ni Binay, sa pamamagitan ng tagapagsalitang si Joey Salgado, na may mga ghost senior citizens ang lungsod ng Makati.