MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng Malacañang na walang halong pulitika sa utos kamakalawa ng gabi ni Pangulong Benigno Aquino III sa Bureau of Customs na itigil ang mga inspeksyon sa mga balikbayan box.
Ipinaliwanag ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na ikinonsidera lang ng Pangulo ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker na ang kasipagan ay sumisimbolo sa mga balikbayan box na ipinapadala nila sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Pinabulaanan ni Coloma na ginawa ni Aquino ang utos sa BOC para mapaglubag ang kalooban ng mga OFW at makuha ang suporta ng mga ito sa mga kandidato ng administrasyon sa darating na eleksyon.
“Ang kapakanan ng mga OFW at kanilang mga pamilya ang namayani sa pasya ng pangulo. Sa kanyang pasya, isinaalang-alang ni Pangulong Aquino ang kahalagahan ng balikbayan box sapagkat ito ay bunga ng pagpupunyagi ng bawat OFW na patnubayan at itaguyod ang kabuhayan at magandang kinabukasan ng kanyang pamilya,” sabi ni Coloma.
Binanggit pa ni Coloma na, bagaman tungkulin ng pamahalaan na palakasin ang kampanya nito laban sa smuggling, pinakinggan ng presidente ang damdamin ng mga mamamayan sa mas mahigpit na inspeksyon ng BOC sa mga balikbayan box.
Gayunman, idinepensa ni Coloma si Customs Commissioner Albert Lina sa pagsasabing pinag-iibayo lang ng BOC ang kampanya nito laban sa smuggling kaya nagpalabas ng bagong patakaran sa mga balikbayan box.
Nitong Lunes ng gabi, sinabihan ni Aquino ang BOC na hindi na dapat buksan at inspeksyunin ang mga balikbayan box at, sa halip, isailalim ang mga ito sa x-ray at k-9 examination. Yaon lamang mga kahon na may kahina-hinalang laman ang bubuksan at iinspeksyunin.
Kapag bubuksan ang mga balikbayan boxes ay kailangang gawin mismo sa harap ng kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration o ng opisyal ng isang OFW association.