PNoy pinakinggan ang saloobin ng mga OFW sa isyu ng balikbayan box

MANILA, Philippines — Iginiit ng Malacañang ngayong Martes na walang halong politika ang utos ni Pangulong Benigno Aquino III na itigil ng Bureau of Customs ang manu-manong pagsuri ng mga balikbayan box ng mga overseas Filipino workers (OFW).

Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na isinaalang-alang ni Aquino ang boses ng kaniyang mga boss.

"Ang kapakanan ng mga OFW at kanilang mga pamilya ang namayani sa pasya ng Pangulo. Sa kanyang pasya isinaalang-alang ni Pangulong Aquino ang kahalagahan ng balikbayan box sapagkat ito ay bunga ng pagpupunyagi ng bawat OFW na patnubayan at itaguyod ang kabuhayan at magandang kinabukasan ng kanyang pamilya," pahayag ni Coloma.

"Pinakinggan ang pagpapahayag ng saloobin ng mga boss sa hanay ng mga OFW," dagdag niya.

Sa kabila nito ay ipinagtanggol din ni Coloma si Customs Commissioner Albert Lina dahil sa pagpapatupad ng batas kontra smuggling.

"Sa simula't sapul ang kanya namang perspektibo ay ‘yung sa aspekto ng mga nagsasamantala at 'yung gumagamit (ng balikbayan boxes) para sa iligal na layunin," paliwanag ng tagapagsalita.

Kagabi ay ipinatigil ni Aquino ang pagsusuri sa mga balikbayan box matapos umani ito ng batiko mula sa mga OFW.

Sa halip ay gagamit ang Customs ng x-ray at K9 upang matiyak na walang nakakapasok sa bansa na mga kahina-hinalang padala mula sa ibang bansa.

 

 

Show comments