MANILA, Philippines – Nagbanta ang operator ng Harbour Centre Port Terminal sa Maynila na iaakyat nila ang kaso sa Korte Suprema laban sa isang associate justice ng Court of Appeals kung hindi ito mag-iinhibit sa kaso na kinasasangkutan ng R-2 Builders. Ayon kay Cyrus Paul Valenzuela, presidente ng One Source Port Services, ang Mataas na Hukuman ang kanilang huling baraha upang makakuha ng patas na desisyon sa kaso.
Matatandaan na naghain ng urgent motion ang OSPS sa Fifteenth Division ng CA noong August 13 kung saan hinihiling nito na mag-inhibit si Associate Justice Noel Tijam sa kaso na nakabimbin sa kanya bunsod na rin ng pagiging malapit umano nito sa kumpanya.
Giit ni Valenzuela, hindi sila makakakuha ng patas na desisyon hangga’t hawak ni Tijam ang kaso ng R-2. Nabatid na maging ang Kapisanan Kontra Korap ay nagsumite ng open letter kay Pangulong Aquino hinggil sa kaso ng HGC at ang umano’y pagiging bias ng CA 15th Division. Hinihiling ng KKK sa Pangulo na imbestigahan ang R-2 Builders’ Smokey Mountain project.
Ayon kay Valenzuela, si Tijam ay naging nominado ng Judicial and Bar Council bilang kapalit ni SC Justice Renato Corona na naging kapalit naman ni Chief Justice Reynato Puno. Subalit naglaho ito nang masangkot ito sa kaso ng R-2 hinggil sa Smokey Mountain Development and Reclamation Project (SMRDP). Noong Hunyo 2010, nang akusahan ng Group Against Plunder (GAP) sa pangunguna ni Allan Ramos Pojas si Tijam na hindi karapat dapat na inomina dahil sa pagbalewala sa Deed of Assignment/Conveyance of the Asset Pool ng SMRDP na dapat ay nasa ilalim ng supervision ng Home Guaranty Corporation (HGC).