CEBU CITY, Philippines – Umaasa pa din si Pangulong Benigno Aquino III na makukumbinsi nila si Senador Grace Poe na maging running mate ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa halalang pampanguluhan sa 2016.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media interview dito pagtapos ng DPWH briefing sa major projects sa lalawigan ng Cebu na patuloy pa din ang komunikasyon ng Liberal Party kay Poe upang makumbinsi itong maging kandidatong bise presidente ni Roxas sa darating na eleksyon.
“Umaasa pa rin kami hanggang sa ngayon. Hindi naman napuputol ‘yung lines of communication, mas bihira na kaming nag-uusap ngayon. Nailahad na naman namin, ‘yung magkabilang panig, kung ano talaga ang, ‘di ba, parang layunin,” paliwanag pa ni Pangulong Aquino sa media interview dito.
Nilinaw din ni Pangulong Aquino na hindi ang kampo ng LP o administrasyon ang nasa likod ng pagkuwestyon sa citizenship ni Poe.
“Sa akin lang siguro baka dapat isipin, number one, inaakit namin siya tapos gagawa kami ng black propaganda, parang… Kung saka-sakaling makuha namin siya sasagutin namin ang black propagandang ginawa namin. So wala yatang sense ‘yon at wala naman sigurong nag-aakusa sa amin na mahina ang magplano. So tingnan na lang natin sa praktikalan. Gagawa ‘yung mga kasamahan natin ng ganyan na para bang—kunyari hindi mo gusto ‘yung ilong mo, puputulin mo ‘yung ilong mo at magiging pogi ka, hindi siguro, ano,” paglilinaw pa ng Pangulo.
“Siyempre, panahon ng katakot-takot na intriga, mga katakot-takot na disinformation at lalabas din naman ‘yung katotohanan. Pero ulit, siguro gusto ko lang ipagdiinan, anong pakinabang namin kung gagawa kami ng ganoong bagay,” sabi pa ng Pangulong Aquino.