MANILA, Philippines – Sa kabila ng mga negatibong reaksyon, hinimok ni Pangulong Benigno Aquino III ang publiko na tulungan ang Bureau of Customs (BOC) na magampanan ang kanilang trabaho sa pagsuri ng mga balikbayan boxes mula sa ibang bansa.
Kasabay nito ay pinaalalahanan din ng Pangulo ang customs na huwag abusuhin ang kanilang kapangyarihan at isaalang-alang ang karapatan ng mga Pilipino.
"Tulungan natin 'yung Customs na gawin 'yung kanilang trabaho at dapat naman siguraduhin ng gobyerno na wala namang karapatan ng taumbayan na mapipinsala dito sa paghahabol ng pangangalaga ng kapakanan ng lahat," pahayag ng Pangulo.
Binatikos ang BOC dahil sa pagbubukas ng mga balikbayan box na ipinapadala ng mga overseas Filipino workers upang makatulong sa pagsugpo sa smuggling sa bansa.
"Ang pangunahing layunin nito ay makatulong doon sa kampanya natin laban sa mga ilegal na droga," wika ni Aquino.
"Pero palagay ko wala naman sigurong magmumungkahi na huwag na nating tignan dahil trabaho ng Customs 'yung pangalagaan yung inaangkat dito sa ating bansa," dagdag niya.
Sinabi ng Pangulo na nakatanggap siya ng mga ulat na pinupuslit papasok ng bansa ang mga armas, bala at pira-pirasong parte ng motorsiklo gamit ang mga balikbayan box.