MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez kahapon na nakabangon na ang lungsod matapos na sila ay makapagbayad ng bilyong utang na iniwan ng dating administrasyon na halos umabot sa mahigit na P2 bilyon.
Sa kanyang ikatlong state-of-the-city address, ibinalita ni Olivarez na ang kaban ng lungsod ay mayroon na ngayong P3.85 bilyong ipon simula ng siya ay umupo bilang alkalde noong 2013 at nakapagbayad na rin ng utang sa Land Bank of the Philippines.
Ayon kay Olivarez, noong siya ay umupo bilang mayor, walang laman ang kabang bayan at pinatunayan ng Commission on Audit na ang Parañaque ay may cash deficit na P2.7 billion simula pa noong 2011.
“Subalit lahat po ng utang at cash deficit ng lungsod ay ating natugunan at mayroon ng P3.85 billion cash on hand ngayon at inaasahan kong tataas pa ito kapag pumasok na ang collection hanggang sa katapusan ng taon,” paliwanag ni Olivarez, na nagdiwang ng kanyang ika-52 kaarawan kahapon.
Ayon kay Olivarez, nakamit nila ang nasabing halaga dahil sa masigasig na pangangalap ng mga karampatang buwis, masinop na paggasta at maayos na pamamahala “kaya ang bawat sentimong pera ng taong bayan ay gagastusin lamang sa tama at maayos na pamamaraan.”
Sa kanyang talumpati, pinangako ni Olivarez na lahat ng kanilang nakolektang buwis ay mapupunta sa pagpapagawa ng paaralan, mga kalye, gusaling pampubliko, sa edukasyon at public health programs sa lahat ng 16 barangays ng lungsod.
Hinamon din ni Olivarez ang lahat ng city officials at empleyado na maisaayos ang kanyang mga programa sa ilalim ng “Bagong Parañaque” initiative para makamit nila ang most competitive city of the Philippines sa susunod na taon na igagawad ng National Competitiveness Council.