MANILA, Philippines - Abala na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagbuo ng kanyang ticket pagsabak niya sa 2016 Presidential elections.
Kahapon, pormal na niyang inendorso ang una niyang Senador sa katauhan ni Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao. Si Pagdilao ay Partylist Representative ng Anti-Crime and Terrorism through Community Involvement and Support (ACT-CIS).
Sa programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” noong Linggo., tinawag ni Duterte na “the future senator” si Pagdilao, kasabay ng papuri dito.
Pahayag ni Mayor Digong, “Gusto nako padaganon as senador si Samuel Pagdilao. Ang mga taong ito ang dapat ninyong pagkatiwalaan. Noong naging police ito, wala ka talagang marinig. I know because I am in the government, that is why, I introduce to you the future senator of the Government of the Philippines.”
Binisita ni Sir Tsip ang Region 11 (Davao) upang kumustahin ang mga proyekto doon, kabilang na ang construction ng Multi-purpose Building sa Brgy. Tamayong, road concreting in Brgy. Tigatto, construction ng Water System sa Brgy. Marilog Proper, pamamahagi ng school supplies sa komunidad ng mga Lumad, Educational, Medical, and Burial Assistance Para sa Mahirap Program, at pamamahagi ng basketball uniforms, at iba pa.
Sa loob ng 37 taon, nagsilbi si Pagdilao bilang kasapi ng PNP, naging Direktor ito ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), isa rin siya sa mga nagtatag ng Special Action Force (SAF), at kilala sa pagiging matinik kontra krimen at de-kalibreng abogado. Noong 2012, ginawaran siya bilang isa sa Ten Outstanding Filipino (TOFIL) Awards at isa sa Ten Outstanding Policemen of the Philippines (TOPP). Bukod pa ito sa 95 awards at commendations na natanggap niya sa serbisyo. Sumailalim din siya sa training mula sa British Royal Marines Commando sa England.
Hindi na kagulat-gulat na inendorso ni Mayor Duterte si Sir Tsip dahil pareho silang maituturing na ehemplo ng mabuti at malinis na pamamahala at paglilingkod sa bayan.
Sinabi ni Pagdilao na si Duterte ang nagtulak sa kanya para sumabak sa pulitika, partikular sa Kongreso. Sa loob ng unang termino nito ay nakapaghain na ito ng 17 Panukalang-Batas at 10 Resolusyon. Siya ang Vice-Chairman ng House Committee on Public Order and Safety at Chairman naman ng Technical Working Group ng PNP Modernization and Reorganization Bill.
Kung bibigyan siya ng pagkakataong isulong ang pagtakbo sa Senado, panghahawakan ni Pagdilao ang pagpapanatili ng peace and order, kontra-kriminalidad at pagsugpo sa katiwalian, bilang mga plataporma kung saan pinuri niya ang mahusay na pamamalakad ni Mayor Digong sa Davao City, na kilala sa larangan ng kapayapaan at kaayusan.