P71-K monthly fee ng utol ni Trillanes kinuwestyon
MANILA, Philippines – Dapat ipaliwanag ni Senador Antonio Trillanes IV ang pagkuha niya ng mga “overpriced” na consultant kabilang ang isa niyang kapatid na tumatanggap ng P71,200 kada buwan o halos umabot sa kalahating milyon sa loob ng anim na buwan noong nakaraang taon.
Ito ang hamon kay Trillanes ng kampo ni Vice President Jejomar Binay sa pamamagitan ng kanyang spokesperson for political affairs na si Atty. Renato Quicho.
Sinabi ni Quicho na lumilitaw sa mga dokumento sa Senado na si Trillanes ay umupa ng 55 consultant at nagbayad ng P7.5 milyon sa mga ito na mas malaki nang P4.46 milyon kumpara sa P3.04 milyong inilaang badyet para sa pagkuha ng mga consultant.
Kinuha rin umanong consultant ni Trillanes ang kapatid niyang si Juan Antonio Trillanes na binabayaran ng P71,200 kada buwan. Mula Hulyo hanggang Disyembre 2014, nakatanggap ang kanyang kapatid ng P427,000.
“Hindi dapat maging balat-sibuyas si Senador Trillanes kung hilingin man ng taumbayan na ipaliwanag niya ang napakalaking binabayaran niya sa kanyang mga consultant,” sabi ni Quicho.
Sinabi pa ni Quicho na, ayon sa Commission on Audit, hindi nagsumite ng mga accomplishment report at ng kani-kanilang resume ang mga consultant ni Trillanes para mapangatwiranan ang mga binabayaran sa mga ito. Lumilitaw anya na hindi nakatalima ang mga ito sa patakaran ng COA.
“Tiyak na dapat merong matibay na credential ang isang taong tulad ng kapatid ni Trillanes at ng iba pa niyang consultant na sapat para mabanggit sila sa Google o LinkIn pero wala,” puna ni Quicho.
Lumilitaw din sa mga dokumento ng Senado na gumagasta si Trillanes ng P1.25 milyon buwan-buwan para mabayaran ang 55 niyang consultant. Doble pa ito sa budget allocation para sa consultancy services ng isang opisina ng senador na umaabot sa P506,262 kada buwan.
Binanggit pa ni Quicho na, habang ang kapatid ni Trillanes ay tumatanggap ng P71,200 buwanang consultant’s fee, isa pang consultant na si Eddie Ybanes ang tumatanggap lang ng P3,500 bawat buwan.
Ayon pa kay Quicho na laging binabanggit ni Trillanes ang katagang “public office is a public trust” subalit kulang naman siya sa transparency at accountability sa kanyang mga aksyon.
Anya, kung hindi kayang ipaliwanag ni Trillanes ang kanyang consultancy fees ay iisipin ng taumbayan na overpriced ang ibinibigay niyang sahod sa kanyang mga consultants.
Ayon sa COA, ang naturang mga consultant ay hindi nagsusumite ng accomplishment report alinsunod sa patakaran ng komisyon. Wala rin umano silang maipakitang resume o dokumento na magpapakita na kuwalipikado sila bilang consultant. Hindi matukoy kung ano ang klase ng trabaho ng mga consultant na ito dahil ang kanilang serbisyo ay klinasipikang confidential in nature.
- Latest