MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng isang election lawyer na paglabag sa ilalim ng rules of court ang forum shopping o paghahain ng parehong kaso ng isang partido at interes laban kay Senator Grace Poe kaya dapat na maibasura.
Ito ay ang reklamo ni Rizalito David laban kay Poe na inihain sa Senate Electoral Tribunal (SET) at Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Atty. Romulo Macalintal na ang magkaparehong kaso na inihain sa SET at Comelec ng iisang indibidwal o partido na pareho ang interes o layunin sa dalawang kaso laban sa iisang respondent ay ipinagbabawal sa batas.
“Such action is prohibited under the Rules of Court and circulars issued by the Supreme Court and could be a ground for the dismissal of both actions. The grave evil sought to be avoided by the rule against forum shopping “is the rendition by two competent tribunals of two separate and contradictory decisions,” giit ni Macalintal.
Sa dalawang kaso, parehong tinukoy ni David ang isyu ng pagiging natural-born citizen ni Poe at kung nakatugon ba siya sa period of residency na itinakda ng batas na qualification ng isang senador.
Wala na aniyang panahon ang paghahain ng kaso sa SET dahil sa ilalim ng patakaran ng nasabing tribunal, ang nasabing petisyon ay dapat na inihain sa loob ng sampung araw mula ng maiproklama ang kandidato.
Ibig sabihin, matagal na umanong paso ang panahon para maihain ang nasabing kaso sa SET kaya wala na itong huridiksyon na dinggin ang petisyon at dapat lang na agad mabasura kahit hindi na atasan pang magsumite si Poe ng sagot sa reklamo.
Kaugnay naman sa pagiging foundling ni Poe, tinukoy ni Macalintal na hindi malinaw ang mga batas na maaring ipatupad sa mga kagaya ng senadora na inabandona.
Wala raw kasing malinaw na batas sa bansa na maaring magamit para malutas ang isyu ng pagiging founding ni Poe.
Pero meron naman umanong mga prinsipyo sa ilalim ng mga international law na nagsasabing walang sinumang mamamayan ang dapat na tratuhing “stateless” at ang citizenship ng mga foundling ay tutukuyin sa bansa kung saan siya natagpuan.