MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Malacañang ngayong Miyerkules na may kinalaman ang kampo ni Interior Secretary Mar Roxas sa mga pag-atake kay Sen. Grace Poe.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na may mga grupong nais sirain sina Roxas at Poe sa isa’t isa.
"There are attempts by some quarters to drive a wedge between Sec. Mar and Sen. Poe," pahayag ni Lacierda sa isang text message.
Aniya bakit aatakihin ng Liberal Party si Poe gayung hinahabol nila ang senadora upang maging running mate ni Roxas.
"Mar Roxas already said he believes she is a Filipino. It makes no sense for us to invite her to be VP and at the same time attack her,” dagdag ng tagapagsalita.
Nitong Linggo ay sinabi ni Poe kay Roxas na may mga kasamahan ang kalihim sa partido na sinisiraan siya.
Inamin din ng senadora na naapektuhan siya sa mga paratang na siya ay hindi tunay na Pilipino kasunod ng paghain ng reklamo sa kaniya.
"Sinabi ko sa kanya, tayo kapag nag-uusap tayo diretsahan tayo mag-usap, pero may mga tao kayo na talagang tinitira ako sa likod," banggit ni Poe. "Pero hangga't sinusuyo ako, puro kabakligtaran naman ang ginagawa nung iba."
"Sabi niya, ang pagkakaalam niya hindi galing sa kampo niya. Pero hindi ba may mga sinasabi na mapakla raw ako dahil nga hindi pa ako hinog. Galing naman iyan sa kampo nila," dagdag ng senadora.
Ikinuwento pa niya na personal siyang inalok ni Roxas na maging running mate niya ngunit iginiit niyang kailangan pa niyang pag-isipan ito.