MANILA, Philippines – Inaasahang tataas pa ang mga insidente ng sakuna sa lansangan sa pagpasok ng ‘ber months‘ mula Setyembre hanggang Disyembre dahil sa pagdami ng mga taong nagtutungo sa mga malls at higit na malala ang daloy ng trapiko.
Ayon kay PNP-Highway Patrol Group (HPG) Spokesperson Supt. Oliver Tanseco, hindi maiiwasan ang init ng ulo ng ilang mga motorista kapag rush hour, lalo na’t malapit na ang Kapaskuhan.
Karamihang sanhi ng sakuna sa lansangan ay ‘human error ‘ at kawalan ng disiplina sa pagmamaneho ng mga abusadong driver tulad ng overspeeding, pagmamaneho ng lasing, paggamit ng cellphone, maling pag-overtake sa mga behikulo, maling pagliko, mahina ang maintenance at depekto ng sasakyan.
Mula Enero hanggang Hunyo 2015 ay nasa 11, 285 ang nairekord na mga aksidente sa lansangan sa buong bansa, 567 katao ang nasawi habang 5,220 ang nasugatan
Nasa 6,791 sa mga aksidente ay naganap sa araw habang 4,494 ang sa gabi.