Enrile lalaya na
MANILA, Philippines – Pinayagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa ng P1 milyon si Sen. Juan Ponce Enrile.
Sa botong 8-4, pinaboran ng mga mahistrado ang petition ni Enrile na pansamantala itong makalaya.
Kabilang sa mga tumutol sa petition ng senador sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Estela Perlas Bernabe at Marvic Leonen.
Si Enrile ay nahaharap sa kasong plunder at graft dahil sa pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Naghain ng petition si Enrile, 91, noong September 4, 2014, kung saan sinabi nito na dapat lamang siyang makapagpiyansa dahil na rin sa kanyang edad at kusa siyang sumuko sa Sandiganbayan anti-graft court.
Sa ngayon naka-hospital arrest si Enrile sa PNP General Hospital.
Sakaling makapagpiyansa, maari nang bumalik si Enrile bilang senador dahil tapos na rin ang 90 araw na suspension na ipinataw ng Sandiganbayan.
Bukod kay Enrile, nahaharap din sa kasong graft at plunder dahil sa paggamit ng pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) sina Senators Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Samantala, sa magkasamang pahayag, ikinatuwa nina Estrada at Revilla ang paglaya ni Enrile.
Sinabi ni Estrada na nagkaroon ng hustisya kay Enrile at umaasa sila na mabibigyan din ng pagkakataon na makalaya upang magampanan ang trabaho sa Senado.
Maituturing rin aniyang tagumpay para sa Senado bilang isang institusyon ang paglaya ni Enrile at magkakaroon na muli ng buhay ang Mataas na Kapulungan at ang minorya.
Nagbiro naman si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na hinihintay niyang maka-trabahong muli ang pinakabatang miyembro ng Senado.
Sabi ni Recto, sa lawak ng karanasan ni Enrile makakatulong ito sa diskusyon sa budget at sa Bangsamoro Basic Law.
- Latest