MANILA, Philippines – Aprubado sa civil society groups si Camarines Sur Rep. Leni Robredo na makatambal ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas bilang vice presidential running mate nito sa halalan sa 2016.
Idiniin nila na kayang-kaya ni Rep. Robredo na ituloy ang “tsinelas leadership” ng kanyang yumaong asawa na si dating DILG Secretary Jesse Robredo.
Nagkakaisang isinusulong ng civil society groups si Robredo na tumakbo bilang bise presidente ni Roxas.
Binuo kamakailan ng ilang civil society groups, sa pangunguna ng Kaya Natin Movement, ang Leni Robredo for Vice President Movement, ilang araw bago ang ikatlong anibersaryo ng pagpanaw ni Secretary Jesse sa Agosto 18.
Noong Agosto 18, 2012, namatay si Secretary Robredo nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan nito sa karagatan ng Masbate. Kagagaling lang niya sa isang speaking engagement sa Cebu at pauwi na sa kanyang pamilya sa Naga nang mangyari ang insidente.
Ayon kay blogger/singer Jim Paredes, kaya ni Leni na ipagpatuloy ang “tsinelas leadership” na sinimulan ni Secretary Jesse noong ito’y alkalde pa ng Naga City hanggang sa panahon niya bilang kalihim ng DILG.
Ayon naman kay dating Quezon Rep. Erin Tañada, magandang alternatibo si Robredo bilang bise presidente dahil taglay niya ang katangian ng isang magaling na leader. “Maliban sa pagiging malinis at tapat, siya ay matalino at may puso para sa mahihirap,” ani Tañada.
Bukod kina Tañada at Paredes, sumusuporta sa kongresista sina Amin party-list Rep. Sitti Turabin-Hataman, Cabiao Mayor Baby Congco, Bukidnon Rep. Malou Acosta at dating Pampanga Governor Ed Panlilio.