MANILA, Philippines – Siniguro ni Sen. Bongbong Marcos na mas malawak ang saklaw ng Basic Law on Bangsamoro Autonomous Region (BLBAR) kumpara sa Bangsamoro Basic Law (BBL) version ng Malacañang.?
Ayon kay Sen. Marcos, hindi lang ang mga kasapi ng MILF ang makikinabang nito kundi lahat ng sector sa Mindanao katulad ng mga Indigenous People, Sulu Sutanate, mga grupong Kristiyano at iba pa.
“I believe we tried very hard to be fair to everyone concerned,” wika pa ni Marcos sa inihanda nitong kapalit ng BBL.
Aniya, tinanggal nila ang mga probisyon na nagbubuo ng sariling pulisya, Ombudsman, BIR na sa kanilang pananaw ay labag sa saligang batas at ang P75 bilyong pondo bawat taon na hinihingi nito.
Paliwanag ni Marcos, uumpisahan na nila ngayon (Lunes) ang deliberasyon sa kanyang substitute bill kung saan 14 senador ang nagpahayag ng interes na makikipag-debate.
Nanindigan din si Marcos na wala siyang pakialam kung kailan maipapasa ang BLBAR at ang mahalaga sa kanya ay maging maayos ito at hindi makukwestyon sa Korte.