MANILA, Philippines – Pinamamadali ni Gabriela Women’s partylist Rep. Emmi de Jesus sa administrasyon ni Pangulong Aquino na agad ipasa ang House Bill 4396 o ang Regular Employment Bill bago ito bumaba sa Malacañang.
“Nahusgahan nang huwad ang Matuwid na Daan, pawang ilusyon lang ang inclusive growth at ang pinagmamalaking pagpasok ng speculative investments sa bansa ay walang saysay sa masang naghihirap. Dagdag na patunay dito ang paglobo ng bilang ng contractual na empleyado sa government service,” sabi ni de Jesus.
Naalarma ang kongresista ng ihayag sa budget hearing ng Civil Service Commission na tumaas ngayong taon nang 337,000 ang mga temporary employees sa bansa kumpara sa 206,000 noong 2012.
Sabi ni de Jesus, maraming kumpanya ang kumukuha ng mga non-plantilla positions at pinagta-trabaho ang mga ito nang 3-6 months at walang natatanggap na mga benepisyo mula sa kanilang mga pinapasukang kumpanya.
Ayon kay de Jesus, ang kanilang security of tenure ay depende sa contract of service katulad ng job orders, contractual, casuals, co-terminus, Memorandum of Agreement employees, o talents kahit na ang ginagawa nilang trabaho ay kaparis sa isang regular employees.
“It is ironic that the State sworn to implement our labor laws is the biggest employer of contractuals and the number one violator of their rights,” dagdag pa ng kongresista.