MANILA, Philippines – Umapela kahapon ang Malacañang sa publiko na magpasensiya sa gitna ng lumalalang problema ng trapiko sa Metro Manila lalo na yong mga nade-delay ang flights.
Aminado si deputy presidential spokesperson Abigal Valte na natatanggap nila ang ulat tungkol sa tumitinding problema sa trapiko lalo na yong mga hindi nakakahabol sa kanilang biyahe sa eroplano dahil sa traffic papasok sa South Superhighway.
Pero mayroon pa rin aniyang ginagawang imprastruktura sa nasabing lugar sa may paliparan kaya umaapela sila sa publiko na habaan pa ang pasensiya.
Muli ring inulit ni Valte ang apela ng mga airport authorities na i-adjust pa ng mga bibiyahe ang kanilang oras at ikonsidera ang matagal na trapik bago makarating sa airport upang hind mahuli sa kanilang flight.
Patuloy din aniyang makikipagtulungan ang Metro Manila Development Authority sa mga lokal na awtoridad upang maibsan ang problema sa trapiko.