MANILA, Philippines - Hiniling ni detained Sen. Jinggoy Estrada sa gobyerno na mahigpit na ipatupad ang Batas Kasambahay na nagbibigay ng proteksyon sa mga kasambahay sa buong bansa.
Ginawa ni Estrada, main author ng RA 10361 o Batas Kasambahay, ang panawagan matapos ilabas ng DOLE ang December 2014 report kung saan ay 120,000 kasambahay na ang nakarehistro sa SSS habang 26, 671 ang nakarehistro sa Pag-IBIG at umabot naman sa 59,734 ang nakarehistro sa Philhealth.
Sa 2010 data naman ay tinatayang nasa 2 milyon ang mga kasambahay, yaya at naglilingkod bilang house helper sa buong bansa.
“The figure tell us that still very few domestic workers are covered with SSS benefits, less than 7% are SSS members, 3 percent are Philhealth members and 1 percent are Pag-IBIG members,” paliwanag pa ni Estrada sa isang statement.
Dahil dito, nanawagan ang senador sa gobyerno na pag-ibayuhin ang pagpapatupad nito upang mabigyan ng mga benepisyo at proteksyon ang lahat ng mga kasambahay. (Rudy Andal)