MANILA, Philippines - Idineklara ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tuluyan ng namatay ang Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil karamihan sa mga probisyon nito ay napalitan na sa kanyang substitute bill.
Sinabi ni Sen. Marcos, chairman ng Senate committee on local government, nakahanda siyang ipagtanggol ang kanyang panukala sa sandaling magsimula na ang deliberasyon nito sa Lunes.
“I now declared that Bangsamoro Basic Law (BBL) is dead, we have a substitute bill that includes all stake holders,” pahayag ni Marcos.
May kabuuang 17 senador ang lumagda sa kanyang committee report at karamihan sa kanila ay nagpahayag na magtatanong sila sa deliberasyon sa Lunes.
Wika pa ni Marcos na baka abutin sila ng anim na linggo para matapos ang deliberasyon dahil may mga ilang mahahalagang batas pa katulad ng 2016 national budget ang pagtutuunan ng pansin.
Sa panig naman ni Sen. Serge Osmeña, mahihirapang maipasa ang nasabing panukala sa taong ito sa kabila na pahayag ni Senate President Franklin Drilon na magiging payoridad nila ang pagpasa ng BBL.
Aniya, abala ang Senado sa budget hearing at abala na rin ang mga senador at kongresista sa pangangampanya kaugnay sa darating na 2016 elections. (Rudy Andal)