MANILA, Philippines - Wala nang aasahang ika-apat na batch ng mga kakasuhan kaugnay sa multi-bilyong pork barrel scam.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na natapos na nila ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa lahat ng mga mambabatas at opisyal na kasama sa special report ng Commission on Audit (COA) noong taong 2007-2009.
Ang huli umano nilang naimbestigahan ay kasama na sa mga nakasuhan sa ikatlong batch na naisampa sa Office of the Ombudsman at hindi naman sila maaaring magsiyasat sa iba pang bahagi ng pork barrel scam na walang COA report.
Nilinaw ni de Lima na muli lamang silang mag-iimbestiga sa pork barrel scam kung iuutos ito ng inter-agency anti-graft council na pinamumunuan ng Ombudsman subalit sa kanya umanong pagkakaalam ay may on-going nang imbestigasyon ang field office ng Ombudsman sa ibang pork barrel cases.
Kabilang sa mga pinakakasuhan sa third batch ng pork barrel scam ang ilang kaalyado ni Pangulong Aquino gaya ni TESDA director Joel Villanueva na dating mambabatas.
Sa ilalim ng tinaguriang pork barrel scam, sinasabing kinasabwat umano ng businesswoman na si Janet Lim-Napoles ang ilang mambabatas para ipasok ang kanilang priority development assistance fund (PDAF) sa mga pekeng NGOs.