MANILA, Philippines – Sa kabila ng naging pulong kamakalawa, hindi pa rin maipangako ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang kanilang suporta sa standard bearer ng administrasyon na si DILG Secretary Mar Roxas.
Matatandaan na nakipagpulong si Roxas sa mga miyembro ng NPC sa headquarters ng Liberal Party sa imbitasyon ng LP.
Ayon kay NPC President at House Deputy Speaker Giorgidi Aggabao, importante na hindi lamang nila pakinggan si Roxas kundi iwasan ang anumang hidwaan sa pagitan ng NPC at LP.
Sinabi naman ni Quezon Rep. Mark Enverga, tagapagsalita ng NPC contingent sa Kamara, na ang kanilang pakikipagpulong kay Roxas ay bahagi ng kanilang proseso ng konsultasyon at alamin ang plataporma ng Kalihim.
Paliwanag pa ni Enverga na gagawin din nila ito sa ibang presidentiables para makita kung sino ang may plataporma na akma sa mga prinsipyo ng NPC.
Ayon naman kay NPC spokesman at Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na hinihikayat talaga nila ang mga miyembro ng kanilang partido na makinig at kilalanin ang mga deklaradong kandidato.
Makatutulong umano ito para makabuo ng mahusay na desisyon ang NPC sa kung sino ang karapat-dapat nilang suportahan para sa 2016 elections.