MANILA, Philippines – Naniniwala ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo na malabong manalo si DILG Secretary Mar Roxas sa halalang pampanguluhan sa taong 2016.
Ito ang lumilitaw sa isang survey na isinagawa ng television station ng INC na Net 25 noong Agosto 12.
Sa naturang survey, ang mga respondent ay tinanong ng “Sa tingin mo ba may tsansang manalo sa pagpa-pangulo si Secretary Mar Roxas sa 2016 elections?”
Inireport ng Net 25 na 93.3 porsiyento ng mga respondent ay sumagot ng “wala” o walang tsansang manalo habang 6.9 porsiyento lang ang nagsabi ng yes.
Karaniwan nang ang suporta ng INC na merong mahigit dalawang milyong miyembro ay hinihingi ng mga pulitikong kumakandidato sa anumang posisyon sa mga pambansang halalan sa bansa.
Naniniwala ang mga kandidatong ito na ang isang block vote na tulad ng sa INC ay makakatulong para sila manalo sa halalan.
Nauna nang inindorso ni Pangulong Aquino si Roxas bilang kandidatong presidente ng administrasyon sa darating na halalan.
Pero lumilitaw na hindi si Roxas ang pinapaborang kandidato ng INC para sa 2016 batay sa mga national survey.
Kahit sa mga naunang pambansang survey noon, hindi lubhang tumataas ang rating ni Roxas
Ayon sa mga tagamasid, ang mga national popularity survey ay dinodominahan nina Vice President Jejomar Binay at Senador Grace Poe.
Sa kasalukuyan, wala pang ibang kandidato na ginawan ng survey ng tv network ng INC.