MANILA, Philippines – Umaasa ang United Nationalist Alliance (UNA) ni Bise Presidente Jejomar Binay na susuportahan sila ni dating Pangulo Joseph 'Erap' Estrada at ng partido niyang Partido ng Masang Pilipino (PMP) upang lumakas sila sa darating na eleksyon.
Pinanghahawakan ni UNA Secretary General JV Bautista ang dating pahayag ni Estrada na susuportahan niya ang mga tutulong sa mahihirap.
"S'yempre we should try to make up for it pero mahirap kung wala si Erap. Mahihirapan kami kung wala si Erap. He's really one of the pillars. Let's face it, Erap is a big voice in the opposition,” pahayag ni Bautista sa isang pulong balitaan sa Greenhills.
“At any point in time, hindi naman s'ya sumama sa administration. Ang sabi nga n'ya ang susuportahan n'ya sa 2016 ay 'yung... maglilingkod sa masa at kasama sa oposisyon," dagdag niya.
Aniya kaya hindi pa sila sinusuportahan ni Estrada ay dahil sa paghihintay ng dating pangulo sa desisyon ni Sen. Grace Poe na nag-iisip kung tatakbo sa pagkapangulo.
"Nahihirapan s'ya kasi kapag tumakbo daw si Grace Poe... ang lumalabas dito nga eh 'yung Grace Poe becomes the "Joker" in all of these," paliwanag ng Secretary General.
Naninwala si Bautista na sa dulo ay makukuha rin nila ang suporta ng dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor.
"Ang sabi nga n'ya ang susuportahan n'ya sa 2016 ay 'yung... maglilingkod sa masa at kasama sa oposisyon... kung hindi man sumama si Grace Poe sa oposisyon o 'di s'ya deklaradong oposisyon, I'm very confident that Mayor Erap will support the candidacy of Binay."