MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy sa Agosto 20 ng Senate Blue Ribbon sub-committee ang imbestigasyon tungkol sa sinasabing mga anomalya sa Makati upang ipagdiwag na rin ang unang taong anibersaryo ng pagsisiyasat.
Nagbiro pa si Sen. Koko Pimentel, chairman ng sub-committee, na kinikilig siya sa unang anibersaryo ng kanilang imbestigasyon.
“Sa (August) 20 I’ll try to accommodate the request to celebrate our one year anniversary. Kinikilig ako sa one year anniversary,” ani Pimentel.
Pero hihilingin rin umano ni Pimentel kay Sen. Antonio Trillanes IV na tapusin na ang kanilang hearing at muli na lamang buksan kapag nahuli na si Gerry Limlingan, ang isa sa mga resource persons na nais paharapin ng komite at sinasabing ‘bag man’ ni Vice President Jejomar Binay.
“Hopefully (last hearing na) sana. Gusto ko nang matapos yung hearing sa 20 symbolic yun dahil 1 year anniversary. Bihira na lang ang nagse-celebrate ng anniversary ngayong panahon,” sabi ni Pimentel.
Nauna rito sinabi ni Trillanes na may mga bago silang expose na ilalabas sa pagdinig sa Agosto 20.
Sinabi ni Trillanes na nakalap nila ang mga bagong ebidensiya matapos masuspinde si Makati Mayor Junjun Binay.