PNoy pinagpapaliwanag sa Presidential Social Fund – Gatchalian
MANILA, Philippines - Hiniling ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian kay Pangulong Benigno Aquino III na maglabas ng malinaw na accounting ng P500 milyon intelligence fund nito gayundin ang P2 bilyon na Presidential Social Fund (PSF).
Sinabi ni Rep. Gatchalian na hindi kinukuwestyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga confidential at intelligence funds ng Presidente bilang pag respeto sa tanggapan nito.
Subalit makakabuti umano na magkusa ang pangulo na magbigay ng accounting nito sa publiko alinsunod na din sa tuwid na daan policy ng administration at para magsilbi din itong legacy ng punong ehekutibo ngayong 10 buwan na lamang ang nalalabi sa termino nito.
Ang PSF ay maituturing na presidential pork barrel dahil diskresyon ng pangulo ang paggugol nito at hindi pa ito dumadaan sa pag-o-audit ng Commission on Audit (COA) kaya bukas na bukas sa pag-abuso.
Ang PSF ay nagmumula sa Pagcor at PCSO subalit kahit dumadaan sa pagbusisi ng COA ang dalawang ahensiya na ito ay ligtas naman sa audit sa kanilang kontribusyon sa PSF.
Idinagdag pa ni Gatchalian na ang P500 milyon PSF ay nasa ilalim ng Presidential Anti -Organized Crime Commission na pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito Ochoa.
- Latest